Opinion Bagong Taripa

𝗕𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗧𝗮𝗿𝗶𝗽𝗮, 𝗡𝗮𝗶𝗽𝗮𝗽𝗮𝘁𝘂𝗽𝗮𝗱 𝗻𝗴𝗮 𝗯𝗮?

Ni Carol Perito

September 16, 2023

 

“Hain naman iton na bag-o na taripa san pamasahe?” “Sabot ko ba syete nala an pamasahe pag estudyante”

Ito ang mariing hinaing ng mga komyuter sa Calbayog City matapos ang pagpapatupad ng Ordinance No. 223-19-034 noong Setyembre 1, 2023, na naglalayong repasuhin ang pamasahe sa mga pampasaherong sasakyan sa lungsod. Sa ilalim nito, ang minimum na pamasahe ay mula sa dating 10 pesos ay naging 8 pesos na lamang, at may 20% na diskuwento para sa mga estudyante, Senior Citizens, at Persons with Disabilities (PWD).

Ngunit sa kabila ng mga repormang ito, may mga kaso pa rin ng pamamalabis mula sa ilang drayber na mas pinipili ang sariling batas kaysa sundin ang itinakda ng pamahalaan. Ito’y hindi lamang simpleng paglabag sa batas, kundi pagyurak sa karapatan ng mga komyuter na makinabang mula sa mga diskuwento na inaasahan nila.

Habang tayo ay patuloy na nahaharap sa mga hamon ng pandemya, nararapat lamang na maging matapat ang mga drayber at mga komyuter sa mga alituntunin. Hindi na tamang gawing dahilan ang krisis sa krudo o social distancing para sa hindi makatarungang pamamahagi ng singil sa pamasahe.

Ano nga ba ang silbi ng bagong taripa kung hindi ito susundin? Akma bang sabihin ng mga drayber na “kung ayaw niyong magbayad ay ‘wag nang sumakay”? Isinaalang-alang nga ba ng mga nakatataas ang mga magiging epekto ng bagong ordinansa?

Sa aking palagay, ay hindi. Sa katunayan marami pa rin ang naniningil ng pamasahe ng labis sa nakasaad at kailanman ay hindi pa nasunod ang mga diskwentong ipinapatupad ng lokal na pamahalaan. Seguridad ang nagiging kalaban ng kakarampot na kaginhawaan ng iilang komyuter.

Bilang isang estudyante at komyuter, ay saksi ako sa mga ganitong sitwasyon. Paminsan ay napipilitan pa nga akong makapagbayad ng doble sa nararapat na pamasahe dahil sa kung ano-anong rason. Kesyo mag-isang pasahero ka lamang, hindi roon ang ruta nila, o masyadong malayo sa población ang destinasyon.

Sa kabila nito, naniniwala akong maging ano pa man ang ugat ng hindi pagkakaunawaan ng komyuter at drayber ay mahalagang sundin pa rin ang inaprubahang ordinansa. Marapat din lamang na sinisiyasat nang maigi ng lokal na pamahalaan ang epekto nito sa ekonomiya at sa lungsod. Malaking papel din ang pagbibigay-diin ng LGU sa implementasyon nito dahil ang pagpapatupad ng ganitong ordinansa ay hindi natatapos sa gawaing papel, kundi sa lakas ng pagiging epektibo ng pagsasagawa nito.

Nagiging palaisipan ngayon kung sino nga ba ang nararapat na sisihin sa mga ganitong pagkakataon? Ang taong-bayan ba na tanging sumusunod lamang sa mga alituntunin? O ang mga drayber na pangkabuhayan lamang ang tanging iniisip?

Sa tingin ko, tanging lokal na pamahalaan lamang ang may kapangyarihang isaayos ang ganitong mga sitwayon. Ang ating mga iniluklok na liderato ng syudad ang siyang dapat na manguna sa pagsusulong ng maayos at malinis na pagpapatupad ng mga ganitong sistema.

Kaya’t hindi tayo dapat maging pasibo sa mga pangyayari. Dapat ay manatili tayong mapanuri sa bawat desisyon ng ating pamahalaan, sapagkat sa huli, bawat isa sa atin, maging komyuter o drayber, ay lubos na naaapektohan ng mga patakarang ipinatutupad sa ating lungsod.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *